18-anyos na estudyante, iginapos ang sarili sa isang paaralan sa General Nakar; Kakulangan ng atensyon at pagmamahal mula sa kanyang ina, itinuturong dahilan

Iginapos ng isang 18-anyos na estudyante ang kanyang sarili at nagpanggap umano na may gumawa nito sa kanya sa isang paaralan sa General Nakar, Quezon nitong Miyerkules, Enero 18.

Ayon sa report, bandang alas 6:46 umano ng umaga nang makatanggap ng tawag ang awtoridad mula sa security guard ng paaralan hinggil sa estudyante na kanyang natagpuan sa kantina ng paaralan kung saan ay agad rin nila itong nirespondehan.

Sa pahayag ng biktima, dakong alas 4:30 ng hapon nang magpaalam ito sa kanyang mga kaibigan na siya ay babalik sa paaralan upang kunin ang payong na umano’y kanyang nakalimutan.

Dagdag pa nito, nang pabalik na siya sa paaralan ay doon na niya nakasalubong ang dalawang lalaki na nag-spray umano ng kemikal sa kanya kung kaya nawalan ito ng malay.

Subalit sa pamamagitan ng masusing panayam at pag-iimbestiga, nadiskubre ng awtoridad na nagsisinungaling ang naturang binata kung saan ay agad rin itong umamin na ginawa niya lamang ang kwento.

Sa kanyang pag-amin, bandang alas 11:00 umano ng gabi nang akyatin nito ang konkretong bakod para makapasok sa compound ng paaralan.

Ibinunyag din ng binata na kinuha niya ang garden hose at saka itinali ang sarili.

Ayon pa sa kanya, nagawa lamang niya umano ang senaryi dahil sa galit, kakulangan sa atensyon, pagmamahal at nararamdamang selos sa kanyang ina.

Napag-alaman din na may problema ang binata sa kanyang pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *