2 patay, isa sugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Masbate

Naiulat ang dalawang patay habang isa ang sugatan sa shooting incident na nangyari sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Masbate.

Sa lungsod ng Masbate ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 47-anyos na construction worker na nakilalang si Ronaldo Bantillo Almosara, may asawa at residente ng Puork 6, Brgy Bayombon ng nasabing lungsod. Pinagbabaril ito ng suspek habang nagpapastol ng kanyang kalabaw.

Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad si Arvin Perdez Romano, 30-anyos, binata at naninirahan sa parehong lugar.

Sa bayan ng Baleno, Masbate ay hindi na nakarating ng buhay sa ospital ang miyembro ng Alpha Phi Omega na si Renante Marcial Parohinog, 37-anyos, may asawa, security guard, naninirahan sa Brgy Poblacion, Aroroy habang nagpapagaling na ngayon sa ospital ang kasama nitong si Aljon Curimao Cortes, 32-anyos, may asawa, small scale miner, residente ng Brgy Lahong ng nasabing bayan habang nakaligtas sa kapahamakan ang 19-anyos na si Brandon Andeza Cortes.

Ayon sa report, galing umano ang tatlo sa anniversary party ng kanilang fraternity at papauwi na sana nang huminto muna sa tabing daan para umihi, subalit nang papaalis na ang mga ito ay biglang pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek na nagmula sa maburol na bahagi ng kalsada.

Nagkataon naman na dumaan ang dalawang personahe ng Phil Navy at tinulungan ang mga sugatan na maidala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival si Parohinog.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Baleno MPS sa nasabing insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *