7 katao naospital matapos atakehin ng asong ulol sa Pilar, Sorsogon

SORSOGON CITY—Pitong indibidwal ang nasugatan at kinailangang dalhin sa ospital matapos atakehin ng asong ulol sa bayan ng Pilar, Sorsogon Lunes ng gabi.

Sa pakikipag-ugnayan ng Brigada News FM Sorsogon sa mga barangay officials ng Barangay Marifosque kung saan naitala ang apat na bilang ng mga nabiktima, nakasalubong lang umano ng mga biktima ang nasabing aso nang bigla sila nitong inatake at kinagat.

Pero bago ito, napansin na umano ang aso na pabalik-balik mula sa Barangay Banuyo papuntang Barangay Marifosque hanggang sa Barangay Calongay habang naglalaway, sugat-sugat ang katawan, at tila wala sa tamang kondisyon.

Kwento naman sa Brigada News FM ni Mang Jessie Cantonjos, isa sa mga biktima mula sa Brgy. Marifosque, papaalis pa lang siya sakay ng kanyang motorsiklo galing sa isang vulcanizing shop nang bigla siyang ambahan ng nasabing aso at kinagat ang kanyang binti.

Ang mga nabiktima ay dinala sa Donsol District Hospital para mabigyan ng karampatang lunas at maturukan ng anti-rabies vaccine.

Anim sa mga ito ay agad na nakauwi habang ang isa ay pinaiwan pansamantala dahil sa pagdurugo ng sugat matapos umanong tamaan ang ugat nito.

Napatay naman ang aso matapos paluin ng mga residente nang magbadya pa itong muling umatake at mangagat. Blangko ang mga biktima pati ang mga opisyal ng barangay kung sino ang may-ari ng nasabing aso.

Kaugnay nito ay nagpaalala si Lito Reyes Jr., Meat Inspector at Animal Technician ng Municipal Agriculture Office ng bayan ng Pilar sa mga responsibilidad ng mga may-ari ng aso tulad ng paglalagay ng maayos na tali at kulungan para hindi makawala o makaperwisyo, pagpapabakuna sa mga ito ng anti-rabies, at pakikibahagi sa programa ukol  tamang pag-aalaga ng hayop para maiwasan ang mga ganitong insidente.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *