75-anyos na lolo, patay sa atake sa puso sa loob ng lodge sa Batangas

PADRE GARCIA – Patay ang isang 75-anyos na lolo matapos na atakehin sa puso habang nasa loob ng lodge kasama ang isang hindi nakilalang babae sa Brgy. San Felipe, Padre Garcia, Batangas.

Ang biktima na itinago lamang sa alyas Toni ay may asawa at residente ng Lipa City, Batangas.

Ayon sa imbestigasyon ng Padre Garcia Municipal Police Station, nag-check in umano ang biktima kasama ang isang babae sa isang lodge bandang 9:15 ng umaga noong Martes, Agosto 3.

Makalipas umano ang ilang minuto ay lumabas ng kwarto ang babae at humingi ng tulong sa mga staff ng lodge dahil sa nangangailangan umano ng atensyong medikal ang kasama nitong lalaki.

Sa tulong ng mga staff ng lodge ay naitakbo sa ospital ang biktima ngunit binawian pa rin ito ng buhay bandang 10:47 ng umaga.

Ayon sa doktor, cardiac arrest ang naging dahilan ng kamatayan ng biktima.

Samantala, sa isinagawang ocular inspection ng mga awtoridad sa room na tinuluyan ng dalawa ay walang indikasyon ng anumang nangyaring pagpupumiglas.

Wala ring nakitang sugat sa katawan ng biktima.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *