95 y/o message in a bottle nasisid sa Michigan river

CHEBOYGAN, Michigan—Halos 95 taon na ang nakakaraan pero buo pa rin sa pusod ng kalikasan ang isang message in a bottle na pinaanod noon pang November 1926 sa Michigan.

Natagpuan ito kamakailan ng isang babaeng diver sa Michigan river at nagkaroon din siya ng pagkakataon na makausap ang anak ng may-ari ng sulat.

Ayon kay Jennifer Dowker, may-ari ng glass-bottom boat tour company na Nautical North Family Adventures, nakuha niya ang bote habang nagsscuba diving para linisin ang mga bintana sa ilalim ng kanyang pag-aaring barko.

Kulay berde ang bote at napansin niyang mayroon ditong nakasilid na papel. Nang buksan ito ay napag-alamang ginawa ang sulat noon pang November 1926. Mababasa sa sulat ang, “Will the person who finds this bottle return this paper to George Morrow Cheboygan, Michigan and tell where it was found?”.

Ipinost ni Dowker ang mga larawan ng bote at ng sulat sa facebook page ng kanyang kumpanya at mabilis itong nagviral.

Dahil dito ay dinagsa ng mensahe si Dowker mula sa iba’t-ibang tao na umaako sa message in a bottle pero isa lang ang nakapagpatotoo na nakakakilala sa totoong may-ari nito – ang 74-anyos na si Michele Primeau na anak ng may-ari ng sulat.

Ayon kay Michele, sa Cheboygan isinilang ang kanyang ama at doon din ito nanirahan hanggang sa magbinata. Anya, mahilig mag-iwan ng mga mensahe o sulat ang kanyang ama sa iba’t-ibang lugar.

Pero hindi na nito nagawang makilala ang taong nakakuha sa kanyang sulat dahil taong 1995 nang ito ay pumanaw. || Shiela Madrigalejos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *