Balik normal na ang operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange simula kagabi matapos payagan na muling makabiyahe ang mga kinanselang ruta dahil sa bagyong ‘Paeng’.
Ayon sa operator ng PITX, halos 500 pasahero ang na-stranded noong weekend dahil sa sama ng panahon.
Ilan sa mga na-stranded ay mga pasaherong nasa PITX na noon pang Biyernes, Oktubre 28, ngunit dahil limitado ang mga biyahe sa mga roll-on/roll-off na barko ay hindi pinayagan ang bus na umalis ng terminal.
Sinabi ng mga opisyal ng PITX na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at nakaantabay sa anumang patnubay mula sa Philippine Coast Guard.
Nanawagan naman ito sa mga pasahero na limitahan ang kanilang mga bagahe para sa mas maginhawang biyahe.