Pinaka-malaking public high school sa Koronadal, gagamitin na ring Covid-19 isolation facility

KORONADAL CITY — DAHIL sa patuloy na pagtaas ng aktibong kaso ng coronavirus disease o Covid-19 sa lungsod ng Koronadal, tuloy-tuloy din ang paghahanap ng city government ng isolation facilities na paglalagyan sa mga nagpopositibo.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Mayor Eliordo Ogena, inisa-isa nito ang mga isolation facilities ng lungsod.

Maliban sa Marbel 1 Elementary School na may 124 bed capacity, nagsimula na ring gamitin ang Koronadal Central Elementary School o KCES – 1 bilang isolation facility na may 126 bed capacity.

Kinumperma din ng alkalde na aprobado na rin ang paggamit ng Koronadal National Comprehensive High School o KNCHS bilang dagdag na isolation facility na may 300 bed capacity.

Ang KNCHS ang pinaka-malaking public high school sa South Cotabato.

Kinumperma din nito ang pagbibigay ni South Cotabato 2nd District Congressman Ferdinand Hernandez ng 100 mga beds na gagamitin sa nasabing mga pasilidad.

Sa ngayon ginagamit pa rin umano ng lungsod ang Anawim Inn na may 28-bed capacity.

Base sa inilabas na Covid-19 monitoring report ng City Health Office ng Koronadal noong Huwebes, nasa 371 na ang aktibong kaso ng Covid-19 sa lungsod dahil na rin sa paglobo ng mga nag-positibo mula sa South Cotabato Provincial Jail na umabot sa 46.

Photo credit: Ricky Prenio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *