Philippine fault posibleng may extension malapit sa tinaga island kaya napapadalas ang mga lindol sa Camarines Norte

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng may extension ang Philippine fault malapit sa Tinaga island sa bayan ng Vinzons,  kaya napapadalas ang lindol sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ang tugon ni Dr. Paul Karson Alanis ng Phivolcs  Mayon Volcano Observatory sa pamamagitan ng text message ng matanong ng Brigada News FM Daet ukol dito.

Nasa ilalim umano ito ng dagat at sa kasalukuyan ay hindi pa napag- aaralan ng Phivolcs ang lugar.

Una na ring sinabi ni Alanis na maraming fault line na dumadaan sa rehiyon partikular ang tinatawag na Philippine Fault Zone na ang mga sangay ay dumadaan sa Masbate at may sangay sa Pasacao- Albay area.

Nilinaw din nito na magnitude 4. 6 ang naranasang lindol noong Martes ng gabi na ang epicenter ay sa Tinaga island taliwas sa unang naiulat ng ahensiya na 5.0.

Normal naman umanong mabago ito base sa mga further data.

Mababatid na dahil sa nangyaring pagyanig ay ilang mga struktura ang nagtamo ng minor damage.

Sa damage assessment report ng Department of Education umaabot sa 47 instructional building sa lalawigan ang nagtamo ng minor damage sa iba’t- ibang eskwelahan  bukod pa sa ibang school facilities.

Ilang pampublikong opisina rin ang nagkaroon ng crack dahil sa lindol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *