KORONADAL CITY — NAG-POSITIBO sa coronavirus disease o Covid-19 si Lake Sebu, South Cotabato Mayor Floro Gandam Sr.
Ngunit sa panayam ng Brigada News FM Koronadal sa alkalde, nilinaw nito na asymptomatic siya o walang anumang sintomas ng Covid-19 na nararamdaman.
Sa kabila nito, sumailalim pa rin umano ito sa mandatory quarantine upang hindi na makahawa sa iba.
Ayon sa alkalde, kaninang umaga nito nakumpermang positibo ito sa Covid-19 dahilan kung bakit agad nitong iniutos ang pagpapasara ng buong munisipyo ng Lake Sebu upang ma-disinfect.
Hindi naman malinaw kay Gandam kung saan nito nakuha ang virus ngunit posible umanong na-expose ito sa isang Covid-19 positive sa mga pinupuntahan nitong lugar bilang alkalde.
Maliban sa kanya, may mga empleyado din umano ng munisipyo na nag-positibo din sa Covid-19 at itinuturing nito na alarming ang pag-akyat ng aktibong kaso ng sakit sa kanilang bayan.
Sa kabuuan, umaabot na sa 130 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bayan ng Lake Sebu.