Legazpi City Health Office, magsasagawa ng first-aid training sa mga guro at mag-aaral

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Legazpi City Health Office (CHO) na magsasagawa sila ng pagsasanay tungkol sa pagsasagawa ng first-aid sa mga guro at mag-aaral sa lunsod ngayong buwan ng Mayo.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay CHO Head, Dr. Fullbert Gillego, sinabi niya na bahagi ito ng disaster preparedness sa lunsod.

Aniya, katatapos lamang din ng kanilang pa-training para sa mga barangay health workers o BHW. Sinabi ni Gillego, kaibilang sa first-aid training ang lecture at pagkatapos nito ay ang demonstration.

Tuturuan umano sila rito kung paano ang tamang paglilinis ng sugat, bandaging, maging ang tamang pag-transfer ng biktima sa mas ligtas na lugar.

Ayon kay Gillego, mahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman sa first-aid upang magkaroon ng kahandaan at makatulong sa mga nangangailangan lalo na tuwing may mga sakuna o emergencies.

Ngayon ay palalawakin nila ito upang maipaabot din ang kaalaman sa mga paaralan; target nila umanong mabigyan ng training ay ang mga junior/senior high school students at teachers sa komunidad.

Nakahanda na umano ang ilang mga dokumento at naghihintay na lamang na mapirmahan upang tuluyan nang makapagsimula.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *