Dagdag na mga quarantine at isolation facilities, hinihiling sa mga LGUs


KORONADAL CITY — NAG-APELA ngayon si Dr. Conrado Braña, Jr., chief of hospitals ng South Cotabato sa bawat local government unit o LGU sa lalawigan na maghanda o dagdagan ang kani-kanilang mga Covid-19 quarantine at isolation facilities.


Ito’y upang may paglagyan sa kanilang mga residenteng magpo-positibo sa Covid-19.


Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Braña, sinabi nito na ang kawalan o kakulangan ng mga quarantine at isolation facilities ng mga LGUs ang isa sa mga dahilan ng pagsisiksikan ng mga pasyente sa Covid-19 Hospital ng South Cotabato na SOCCKSARGEN General Hospital o SGH sa bayan ng Surallah.


Ihinalimbawa ni Braña ang kaso ng ilang pasyente na lalabas na sana mula sa Covid Hospital ngunit hindi tinanggap ng LGU dahil sa kawalan ng isolation facilities kung saan ito dadalhin.


Dahil dito, iuuwi na lamang umano nila sa bahay ang pasyente mula sa SGH sakaling hindi ito tatanggapin ng LGU sa kadahilanang walang isolation facility na pagdadalhan dito.


Paliwanag ni Braña, tapos na ang kanilang trabaho sa mga gumaling nang pasyente sa Covid-19 dahil nagamot na ang mga ito at responsibilidad na ng mga LGUs na maghanap ng isolation facilities para sa kanila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *