Mahigit 100 health workers na isinailalim kamakailan sa RT- PCR test nag negatibo sa COVID- 19

Negatibo sa COVID- 19 ang mahigit isang daang health workers sa lalawigan ng Camarines Norte na isinailalim sa RT- PCR test kamakailan.

Ito ang kinumpirma ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet nitong Lunes, April 25.

Ayon kay Francisco nagkaroon ng surveillance test sa iba’t- ibang Rural Health Units at isinailalim sa RT- PCR test ang mga health workers upang masiguro na ligtas ang mga ito sa COVID- 19.

Sa unang batch nasa 83 ang sumalang sa test at lahat ito ay nag negatibo.

Nasa 32 health workers naman ang sumalang sa ikalawang batch at tulad ng mga nauna ay negatibo rin ang mga ito.

Ani Francisco galing sa iba’t- ibang Rural Health Units ang mga health workers na isinalang  sa Covid- 19 test.

Nauna nang sumalang sa test at nag negatibo rin ang mga kawani ng Provincial Health Office at Camarines Norte Provincial Hospital.

Ang pagsasailalim sa kanila sa RT- PCR test ay alinsunod  umano sa advisory ng DOH Region V.

Lahat daw kasi dapat ng health workers na nag aalaga at tumitingin sa mga pasyente ay kinakailangang sumailalim sa test. Ginawa ito noong nakatalikod na linggo hindi lang sa lalawigan kundi sa iba’t- ibang lugar sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *