Imbestigasyon vs agri-smuggling, walang usad – House Minority

Ikinadismaya ng ilang mambabatas ang kakulangan sa usad ng mga nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa talamak na big-time agricultural smuggling sa bansa.

Ayon kay Rep. Eufemia Cullamat, makailang beses na umanong nagkaroon ng hearing sa kongreso ngunit hindi pa rin ito nagkakaroon ng konkretong resulta at resolusyon dahil paulit-ulit lamang ang nangyayari.

Nakalulungkot umanong isipin na kung sino pa ang naghahatid ng pagkain sa ating mga sikmura – ang mga bayaning magsasaka at mangingisda, ay sila pa ang walang laban sa isyu na ito.

Bilyong halaga rin aniya ang nawawala sa gobyerno na sana’y nagamit na lamang bilang pondo sa mga programang pang-ayuda at subsidiya sa mga nangangailangan.

Giit ng mambabatas, dapat ay paspasan na ang pagkakaroon ng resolusyon sa mga imbestigasyon nang sa gayon ay tuluyan nang mawakasan ang katiwalian sa mga ahensyang sangkot dito.

Kung matatandaan, mayroon nang gumugulong na imbestigasyon sa agri-smuggling sa Senate committee of the whole kung saan ay pinangalanan ang apat na indibidwal na ‘di umano’y nasa likod nito.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *