Anak ni DOJ Sec. Remulla nasampahan na ng kaso, life imprisonment posibleng kaharapin

Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency Spokersperson Dir. Derrick Carreon na nasampahan na ng kaso si Juanito Jose Diaz Remulla III, ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Boying Remulla matapos itong maaktuhan tumatanggap ng kush o high grade marijuana na nagkakahalaga ng P1.3-million.

Ayon kay Carreon kasong Importation of drugs o paglabag sa Section 4 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban sa batang Remulla.

Kung mapapatunayang guilty sa korte posible maharap sa life imprisonment ang anak ng kalihim maliban pa sa multang mula P500,000 hanggang P10-M.

Una nang sinabi ni Sec. Remulla na hindi siya makikialam sa kaso ng kanyang anak at hindi niya gagamitin ang kanyang impluwensiya dito.

Dagdag pa nito kailangan harapin ng sinuman ang kahihinatnan ng kanilang mga aksyon at hahayaan niyang ang hustisya ay gumawa ng sarili nitong landas.

Nabatid na nakatakdang dumating ngayong araw sa bansa si Remulla mula Geneva kung saan nagsalita ito sa harap ng United Nations Human Rights Committee.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *