Apat na bayan sa Camarines Norte mayroon nang ordinansa laban sa cash card pawning ng 4P’s beneficiaries

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy ang kanilang pakikipagtulugan sa mga Local Government Unit para maiwasan o mabawasan man lang ang mga insidente ng pagsasangla ng cash card ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ayon kay Pantawid Provincial Grievance Officer Lourra May Leyes sa ngayon ay mayroon nang apat na bayan sa lalawigan ang mayroong ordinansa laban sa cash card pawning.

Ang mga ito ay ang Daet, Jose Panganiban, Talisay at Mercedes habang ang Provincial Ordinance kaugnay nito ay pinoproseso pa.

Sa isinagawang Media Forum noong Huwebes sa Daet  inihayag ni Regional Director Leo Quintilla na mayroon nang anim na benepisyaryo ang natanggal sa programa dahil sa cash card pawning habang mayroon din aniyang ibang kaso ng misbehavior tulad ng pag iinom ng alak.

Ipinaliwanag din nito ang proseso kapag ang isang benepisyaryo ay mapapatunayang nagsangla ng cash card kung saan sa unang paglabag ay reprimand lamang at case management counseling.

Sa ikalawang paglabag ay suspension ng grant at sa ikatlong paglabag ay sa delisting sa programa.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Pantawid Provincial Link Claudio Villareal ang magandang naidulot ng programa.

Ngayong taon umano ay mayroong 19 na Pantawid beneficiaries sa lalawigan na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Nakikipag ugnayan umano ang ahensiya sa Department of Education para matulungan ang mga ito sa kanilang employment.

Bukod sa 19 na Pantawid beneficiaries na nakapasa sa LET mayroon din umanong dalawang nakapasa sa Civil Service eligibility exam, isang civil engineer at agriculturist.

Ngayong 2022 lang umano ito at hindi pa kasama ang nakaraang mga taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *