Bangkay ng lalaki, natagpuan sa gilid ng daan sa Lipa City, Batangas

Natagpuan ang bangkay ng isang lalaking pinaniniwalaang biktima ng pamamaril sa gilid ng daan sa Purok 7, Brgy. Latag, Lipa City, Batangas.

Kinilala ng Lipa City Police Station ang biktma na si John Bryan Babaran y Sardan, 24-anyos, residente ng Brgy. Sabang, Lipa City, Batangas.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lipa CPS, isang concerned citizen ang nakakita ng bangkay sa tabi ng kalsada nitong umaga ng Huwebes, Marso 9, 2023.

Sa hindi naman kalayuan, ay natagpuan din ang isang tricycle na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng biktima.

Bukod dito, natagpuan din ng mga awtoridad sa tabi ng bangkay ang tatlong basyo ng bala ng isang kalibre 45 na pinaniniwalaang ginamit sa biktima.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng pulisya kung sino ang suspek o sino ang nasa likod ng insidente at kung bakit natagpuang wala nang buhay ang biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *