Bilang ng mga nabakunahan na vs. covid-19, umabot na sa 16M – NTF

Umabot na sa 16 milyon ang bilang ng mga bakuna kontra covid-19 na naiturok sa buong bansa.

Ito ang iniulat ni National Task Force Against Covid-19 Deputy Chief Implementer at testing czar Sec. Vince Dizon sa kanyang pagbisita sa pagbabakuna ng Johnson and Johnson sa lungsod ng Pasig.

Ayon kay Sec. Dizon, bagama’t malayo ang bansa sa laban sa covid-19, nakikita naman aniya nila ang pagasa dahil patuloy ang pagdating ng mga covid-19 vaccine.

Sa katunayan aniya, kahit pa may bagyo at malakas ang buhos ng ulan sa malaking bahagi ng bansa kahapon, umabot sa 160, 000 doses ng bakuna ang na-administered sa National Capital Region.

Maliban pa dito, lumalagpas na rin aniya sa daily average ang nababakunahan sa Metro Manila sa isang araw.

Dati aniya, 120,000 lamang ang average rate sa NCR sa pagbabakuna pero ngayon, umaabot na sa 130,000 hanggang 150,000 ang average ng mga nababakunahan.

Samantala, sinabi pa ng opisyal na malapit nang makamit ng bansa ang target na 500,000 kada araw ang mababakunahan dahil sa patuloy na pagdating ng mga bakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *