Billing cycle ng Canoreco masisira kung itataon sa pay day ang due date ng bayarin sa kuryente

CAMARINES NORTE- Nanindigan ang Camarines Norte Electric Cooperative na huwag baguhin ang kanilang billing cycle kasunod ng hirit na itaon ang due date sa sweldo o pay day ng mga kunsomidores.

Sa pagharap sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Biyernes, sinabi ni General Manager Zandro Gestiada na kailangang sundin kung ano ang billing cycle na aprubado ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil kung masisira ito ay hindi umano makakasunod ang Canoreco sa mga obligasyon nito na dapat bayaran.

Paliwanag ni Gestiada na ang kasalukuyang billing cycle na aprubado ng ERC ay patas sa kunsomidores at sa kooperatiba upang ma- maintain at ma- comply din ng huli ang mga bayarin at gastusin nito.

 “Medyo mahirap po sa parte natin, namin at ng ating coop na yun pong cycle nun pong ating billing ay masisira dun po sa counting nung bilang natin every 27th  of the month, yun po namang billing cycle na yan bokal ser ay inaprobahan naman po at inimplement ng ERC dahil po nakita niyang ito po ay patas naman sa ating mga member consumers at sa ating coop para po ma maintain din natin yun pong status nung coop natin na makapag comply dun po sa ating mga bayarin at sa mga gastusin,” ani Gestiada.

Aniya, nagsisimula ang reading kada ika 27 ng buwan at pagkatapos ng reading ay mayroong ibinibigay na grace period na siyam na araw.

Bukod dito mayroon pang karagdagang tatlong araw na ibinibigay sa kunsomidores bago mag implement ng disconnection.

“So bale po after ng reading para po ma- clear out ko din po sa body at dun po sa ating mga nakikinig na mga consumers, after po ng reading meron po tayong nine days na tinatawag na grace period after po ng nine days meron pa po tayong due date na tinatawag at may after due, may tatlong araw pa po tayo na binibigay na warning para po dun sa ating disconnection date.”

“So bale po all in all meron pong twelve days pa after ng reading po, kaya po medyo mahirap po na sa parte namin kung sakaling masisira po yung billing cycle, kasi po yun po yung nakatakda na inaprove naman sa atin ng ERC para po ma- comply natin yung mga gastusin at bayarin kagaya po ng sa suppliers natin, bayarin sa ating mga kagamitan na kinukuha, sa atin pong mga construction materials na kailangan po nating i- maintain yun pong ating mga linya.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *