DOH Bicol, inilatag ang ginagawang mga hakbang upang mabawasan ang mga kaso ng tuberculosis sa rehiyon

LEGAZPI CITY – Labis ang ginagawang hakbang ng Department of Health (DOH) Bicol kasama ang ilang mga lokal na pamahalaan upang mabawasan na ang mga nagkakaroon ng sakit ng tuberculosis at upang tuluyan na itong matuldukan sa rehiyon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay DOH Bicol Infectious Disease Cluster Head, Dr. Janish Alcala-Arellano, sinabi niyang ang kanilang TB services ay iniintegrate na sa mga RHUs, hindi lamang ang mga drug-susceptible TB kundi maging ang drug-resistant TB.

Libre umano ang magiging mga gamot, maging ang check-ups, tests, supportive services at ang iba pang laboratories na inaalok sa lahat ng mga RHU sa Bicol region.

Aniya, nagbibigay din sila ng TB preventive treatment upang maiwasan ninoman ang pagkakaroon ng malalang sintomas at epekto ng TB, o ma-activate ang ilang mga bacteria sa baga ng isang tao.

Sa ilalim nito, pinapainom umano nila ang mga pasyente ng gamot upang makaiwas dito.

Ayon kay Arellano, maliban dito ay nagkakaroon din sa buong rehiyon ng active case finding; mobile x-ray sa mga barangay, kung saan mayroon itong schedule sa lahat ng mga lalawigan, at maging ang mga kulungan ay kasama rin dito.

Ang mga mairerekord umano nilang positibo sa x-ray ay ipapatest sa gene experts upang malaman kung mayroon itong TB at ieenroll ito sa RHUs.

Sinabi rin ni Arellano, marami pa silang mga pamamaraan at mga hakbang, at sinisika nilang gawin ang lahat upang mabawasan na ang mga kaso ng nasabing sakit sa rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *