DOTr, inamin na umiiral ang transport crisis sa bansa; Investment sa imprastraktura, palalakasin pa

Aminado ang Department of Transportation na may krisis sa sektor ng transportasyon sa bansa.

Sa budget briefing ng DOTr sa House Appropriations Committee ngayong araw, sinabi ni Undersecretary Timothy Batan na kung pagbabasehan ang ipinresintang indices at rankings ng Pilipinas ay maaaring umiiral ang krisis.

Ipinunto ni Batan na sa nakalipas na tatlong dekada ay napakababa ng investment ng gobyerno sa transport infrastructure.

Sa katunayan, nasa average lamang aniya na 1.5 hanggang 2 percent ang pamumuhunan sa imprastraktura.

Paliwanag ng opisyal, target ng administrasyon na maabot ang catch-up investment na 5 hanggang 6 percent upang isara ang infrastructure gap.

Binigyang-diin din ni Batan na prayoridad ng ahensya ang mga commuter at mass transport at patunay rito ang malaking alokasyon para sa railway sector sa panukalang budget sa 2024.

Bukod dito, itataguyod sana ng DOTr ang active transport kabilang ang mga siklista at pedestrian sa ipatatayong infrastructure projects ngunit limitado ang pondong ibinigay para rito na aabot lamang sa 500 million pesos.

Gayunman, mas mababa ito sa orihinal na hinihiling na 1.9 billion pesos para sa active transport.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *