Drug buy-bust operation laban sa drug courier mula sa Marikina City na nahuli kahapon sa lunsod ng Legazpi, stressful para sa PDEA Albay

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay na isa sa mga stressful na operasyon ang drug buy-bust operation na ikinasa kahapon, Abril 3, sa Purok 9A, Brgy. Puro, Legazpi City, Albay laban sa isang drug courier na mula pa sa Marikina.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PDEA Albay head, Noe Briguel, sinabi niyang napakarami kasing mga pasikot-sikot at paligoy-ligoy sa operasyon ang kanilang pinagdaanan bago mahuli ang suspek na kinilalang si Precy Belir Butaslac, 43 anyos, SPA owner na residente ng Parang, Marikina City.

Aniya, marami pang mga usapan ang nangyari tulad ng kagustuhan ng suspek na makita ang bahay ng poseur buyer, kaya’t gumawa ng paraan ang PDEA sa pamamagitan ng pagrenta sa isang squatter area sa lunsod.

Maliban dito, kung saan-saang lugar pa umano sila nakarating at pumunta bago ibigay ang droga, ngunit nasa bag lang naman pala ito ng suspek.

Nang ibinigay na nito ang item, ito na ang naging hudyat upang magpakilala bilang otoridad at arestuhin siya.

Napag-alaman, ang suspek isa nang drug courier mula pa noong taong 2013, at trabaho niyang magdeliver ng droga sa Bicol at sa iba pang mga rehiyon.

Dagdag pa rito, bawat delivery ng suspek ay umaabot sa PHP15,000 o higit pa ang perang kanyang nakukuha.

Kung babalikan, isang concerned citizen ang nagpaabot sa kanila ng impormasyon na mayroon umanong tao na may dalang malaking halaga ng iligal na droga ang papasok sa lunsod ngayong Semana Santa, at ayon sa informant, kaya umano nitong mag-arrange ng drug deal.

Dahil dito ay nagsagawa sila ng operasyon katuwang ang Legazpi CPS, at RSIT-PDEA Bicol na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *