DSWD 12 may naiwan pang P 68 million na pondo para sa student cash-aid

KORONADAL CITY- AABOT sa 4,868 na mga student-in-crisis ang nakatanggap ng cash aid mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 12 noong Sabado, Agosto 27 sa isinagawang pay-out sa iba’t ibang mga distribution sites sa rehiyon.

Ayon kay DSWD 12 regional director Restituto Macuto na nakapag-release ang kanilang tanggapan ng mahigit sa P 13 million na ayuda.

Sa kabuuan, umabot na sa 12,339 na mga estudyante ang nakabenepisyo sa naturang programa sa unang dalawang araw ng pay-out kung saan P 28 million na ang naipamahagi na educational assistance ng DSWD 12 mula sa pondo nito na P 96 million.

Inihayag ni Macuto na may naiwan pa silang P 68 million na nakatakdang ipamahagi sa tinatayang 44,000 na mga benepisyaryo sa iba’t ibang mga LGU’s hanggang sa September 24.

Mahigpit na ipinatutupad ng DSWD 12 ang “No Walk-in Transactions” at “No text Confirmation, No Educational Assistance Policy” sa mga distribution sites kung kaya’t hinihikayat ni Macuto ang mga nag-apply sa pamamagitan ng e-mail, QR Code at drop boxes na hintayin ang text confirmation mula sa kanilang tanggapan bago pumunta sa mga pay out venues.

Dahil sa limitadong pondo, aminado ang opisyal na hindi lahat ay mabibigyan ngunit inihayag nito na kanilang isusumite sa central office ang mga pangalan ng lahat ng mga qualified applicants na hindi nakatanggap upang ito ay mahanapan ng pondo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *