Hanging Sanctuary Lamp na ninakaw sa simbahan, narekober na; PNP, may ‘person of interest’ na

SORSOGON CITY – Narekober na ang silver century old na Hanging Sanctuary Lamp na ninakaw gabi noong Mayo 4 sa St James The Great Parish Church sa Bulusan, Sorsogon.

Sa pahayag sa Brigada News ng Bulusan Police, pinakiusapan nila ang parish priest ng simbahan na magsasagawa muna sila ng ‘search and retrieval’ sa labas ng simbahan dahil ang nasabing lampara ay may kalakihan at hindi kaya ng isang tao lamang.

Hindi naman nagtagal ay natagpuan ang nasabing lampara sa madamong bahagi sa likuran ng simbahan kung saan itinago pansamantala ng salarin.

Napagpasyahan ng mga imbestigador at napakiusapan ang pari na huwag munang kunin sa pagkakatago sa damuhan ang nasabing lampara dahil magsasagawa ng ‘stake-out’ ang mga awtoridad para mahuli sakaling bumalik ang suspek o mga suspek.

Halos 24 oras nagsagawa ng pagsubaybay ang mga pulis katuwang ang Barangay Tanod subalit hindi na bumalik ang salarin kung kaya’t itinurn-over na ng PNP ang sanctuary lamp sa simbahan.

Sa update na nakuha ng Brigada News sa hepe ng Bulusan Police na si PLt Dennis Detoito, sinabi nito na may ‘person of interest’ na sila at nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.

Kung babalikan, umaga ng Mayo 5 nang mapansin ng Sakristan na wala sa kanyang lalagyan ang nasabing sanctuary lamp.

Nabatid na ang salarin ay pumasok sa isang sira na pintuan ng simbahan at para makuha ang lampara ay gumamit ito ng mesa.

Nakita din sa CCTV ng MDRRMO na ang salarin ay may dalang backpack subalit hindi ito nagamit dahil malaki ang nasabing lampara.

Medyo malabo umano ang kuha sa CCTV kung kaya’t hindi ito namukhaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *