Higit 900k na mga indibidwal sa Isabela, nakarehistro na sa Philsys

Umabot na sa 938, 939 na mga indibidwal sa lalawigan ng Isabela ang nakatapos na ng Step 2 para sa Philippine National ID System.

Ayon kay PhilSys Focal Person Cristilu Geronimo ng PSA Isabela, ang naturang bilang ay katumbas ng 59% ng target maiparehistro batay sa May 2020 population na aabot sa 1, 697, 060 sa buong probinsya.

Ayon kay Geronimo, bukas ang mga registration centers sa bawat lokal na pamahalaan at sa ngayon ay mayroong 74 registration kits sa lalawigan.

Maaari ring magtungo sa kanilang tanggapan sa PSA Isabela sa City of Ilagan dahil mayroon silang tatlong kits doon.

Sinabi pa niya na nagsimula na rin sila na magtala sa mga batang edad 5-anyos pataas.

Kahapon lamang aniya ay nakapagtala pa sila ng karagdagang 21, 389 na mga nagparehistro.

Samantala, nasa 71, 430 o less than 10% ng mga nakarehistro na aniya ang IDs na nai-isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at naipamahagi ng Post Office.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan niya ang mga nakakuha na ng National ID na ingatan ang mga ito upang hindi mawala.

Nilinaw din niya na sa ngayon ay wala pang updating sa mga kailangang baguhin o nagkaroon ng pagkakamali sa kanilang mga tala.

Panawagan din ni Geronimo sa Punong-barangay na hikayatin ng mga ito ang kanilang mga nasasakupan na hindi pa nakapagpatala na magparehistro na rin sa Philippine National ID.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *