Hirit na confidential fund ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte makakatulong umano para matigil ang recruitment ng CPP- NPA –Phil Army

CAMARINES NORTE- Pabor ang Philippine Army sa Bicol sa hirit na confidential fund ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte para matigil na umano ang recruitment ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP- NPA) sa mga eskwelahan.

Ito ang reaksyon ni Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry Division Philippine Army, nang matanong sa isinagawang Press Conference sa Camp Elias Angeles, Pili, Camarines Sur na dinaluhan ng mga mamahayag sa rehiyon noong Biyernes, September 23.

Paliwanag ng opisyal kapag nagkaroon ng budget para matigil ang recruitment ay wala nang pera at resources na papasok at wala na rin daw malilinlang ang komunistang grupo.

Sa ganitong paraan ay kusa na lang umanong mamamatay ang organisasyon.

Sabi ni Luna kung hindi sana nadadagdagan ang mga miyembro  nito ay wala raw sanang problema dahil sa dami na ring sumuko mula sa hanay ng rebeldeng grupo at nagbalik loob sa pamahalaan.

“Alam niyo niyo yung CPP- NPA kung hindi sana nadadagdagan ang members, nila by this time wala na sana yan ang problema may mga nagsu- surrender habang merong mga nai -encounter tayo, meron ding nare- recruit sila, papasok, chances are hindi mauubos pagka ganyan but if we can stop the recruitment, stop the support system, stop the financial ano nila, ng financial support sa kanila then I think mauubos po yung NPA because ang mga hinaing nila ma-address natin at hindi na sila makakapag recruit,” ani Luna.

Mababatid na mismong ang Pangalawang Pangulo ang nagdepensa sa hirit na confidential fund sa ilalim ng proposed budget nitong P710 bilyon para sa 2023.

Ipinunto nito na may “direct link” sa pagitan ng basic education at national security.

Ang tagumpay aniya ng mga proyekto at programa ay nakadepende sa “very good intelligence and surveillance” dahil mayroong target na specific issues and challenges.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *