HPG pinaalalahanan ang mga nagmomotorsiklo na magsuot ng standard helmet

CAMARINES NORTE – Pinaalalahanan ng Philippine National Police Highway Patrol Group ang mga nagmomotorsiklo na magsuot ng standard helmet hindi lang para iwas huli kundi para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, mandatory ang pagsusuot ng helmet ng mga nagmamaneho ng motorsiklo gayundin ang angkas  nito, malapit man o malayo ang pupuntahan.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng Php 1,500 hanggang Php 10,000 at maaari ring kumpiskahin ang lisensya.

Sa isinagawang operasyon ng HPG katuwang ang local traffic enforcers sa kahabaan ng Maharlika Highway Barangay Pamorangon dito sa bayan ng Daet noong Lunes ng umaga, sampung motorcycle rider ang tiniketan dahil sa hindi nakasuot ng standard na helmet

Karamihan sa mga suot ay ang “nut shell” helmet na karaniwang sinusuot ng mga nagbibisikleta at nagsi-skateboard.

Tinatawag itong “nut shell” dahil tinatakpan lang nito ang itaas na bahagi ng ulo, may mga butas at wala pang visor para sa mukha.

Hindi ito pasok sa panuntunan ng Department of Trade and Industry para sa tamang helmet kaya mapanganib para sa mga nagmomotorsiklo dahil hindi protektado ang buong ulo sa mabilis na takbo ng sasakyan.

Bukod sa unauthorized helmet, tatlo naman ang natiketan din dahil walang suot na helmet.

Sa kabuuan ay nasa 54 ang inisyung ticket sa mga pasaway na motorista dahil sa iba’t- ibang paglabag.

Kasama na dito ang paglabag sa seatbelt law, no plate attached at iba pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *