ICC Pre-Trial Chamber, pinahintulutan na ang probe kaugnay sa drug war at Davao killings

Inanunsyo ng International Criminal Court na iimbestigahan na ng international tribunal si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kampanya nito kontra ilegal na droga.

Sa isang pahayag, ay sinabi ng ICC na pinayagan ng Pre-Trial Chamber nito ang request ng ICC Prosecutor na simulan ang probe kaugnay sa drug war ng Pilipinas mula noong July 2016 o sa umpisa ng panunungkulan ng Punong Ehekutibo hanggang March 16, 2019, o sa panahon na naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.

Sasaklawin rin ng probe ang mga pagpatay sa Davao simula November 1, 2011 hanggang June 30, 2016, kung saan ay parehong naging mayor at vice mayor ang Pangulo.

Ipinunto ng ICC Pre-Trial Chamber na makikita ang legal element ng crime against humanity ng murder sa ilalim ng Article 7(1)(a) ng Rome Statute dahil sa mga pagpatay na nangyari sa dalawang nabanggit na panahon.

Inihayag ng international tribunal na ang kampanya kontra ilegal na droga ay hindi maituturing na lehitimong law enforcement operation, at ang pagpatay ay hindi rin makokonsidera bilang ligal o pawang mga “excess” lamang sa isang lehitimong operasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *