Imee Marcos, hindi marunong tumanaw ng utang na loob ayon kay Panelo

Dismayado si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kay Senadora Imee Marcos, na kilalang kaalyado ng administrasyon, matapos nitong batikusin ang mga vaccination program ng gobyerno.

Sinabi ito ni Panelo sa kaniyang commentary program noong Biyernes, ngunit tinukoy niya lamang ang senadora bilang “kapatid” ni dating senador Bongbong Marcos.

Ayon sa kalihim, tila ay hindi ma- “lockdown” ng mga senador ang kanilang mga bibig sa tuwing sila ay nakakakita ng bagong mai-isyu kabilang na ang tinukoy niya bilang “kapatid ni Bongbong”.

Ipinunto ni Panelo na iba ang katangian ng senadora kumpara sa kapatid nito na tahimik lang na nagtatrabaho at tumutulong sa pamahalaan.

Inihayag rin ni Panelo na hindi nila malaman kung ano ba talaga ang diskarte ni Senadora at tila hindi anya ito marunong tumanaw ng utang na loob.

Inilatag naman ni Panelo ang mga bagay na dapat ay tanawin bilang utang na loob ng senadora kabilang na rito ang pagpapalibing sa ama nito na si dating pangulong Ferdinand Marcos, at ang pagkakasama nito sa senatorial slate ng administrasyon.

Kinwestyon rin ni Panelo kung may tatakbuhan bang pusisyon sa gobyerno ang senadora, kahit bagong halal lang naman ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *