Inang binubugaw ang sariling anak, kalaboso sa Taytay, Rizal

Nailigtas mula sa kamay ng kanyang sariling inang bugaw ang isang menor edad na anak sa ikinasang police operation sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.

Kinilala ang suspek na si Gina Tumayao Atibagos, 51 anyos, at residente ng naturang lugar.

Sa ipinaabot na impormasyon sa Brigada Batangas, sinabi ni Provincial Director, Police Colonel Dominic Baccay ng Rizal PPO, sa bisa ng tatlong warrant of arrest sa kasong Qualified Trafficking ay naaresto sa operasyon ang ginang ng pinagsanib na puwersa ng mga kapulisan sa pangunguna ng Provincial Intelligence Unit (PIU) nitong gabi ng Miyerkules.

Batay sa imbestigasyon, ginagamit ng ina ang sariling anak para pagkakitaan sa pamamagitan ng mga pornographic materials.

Siya rin mismo ang bugaw ng anak sa ginagawang sexual exploitation at prostitusyon.

Dagdag pa ng mga otoridad, ang local social welfare office ang nagsumbong sa kanilang himpilan matapos matanggap ang report kaugnay sa pambubugaw ng naarestong ina.

Nasa kustodiya na ng Morong Custodial Facility ang naturang akusado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *