Isa sa topnotchers ng March 2023 LET, mula sa BU Daraga, Albay; akomplisimento, iniaalay sa kanyang pamilya at ina na single mom

LEGAZPI CITY – Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Joanna G. Barbacena, isa sa top notchers ng katatapos lamang na March 2023 Licensure Examination for Teachers (LET) sa natamo niyang akomplisimento.

Kwento ni Barbacena sa Brigada News FM Legazpi, gumising siya na hindi lamang basta Licensed Professional Teacher, bagkus topnotcher pa.

Sinabi niya, “struggle was real” noong mga panahon na papalapit ang exam, dahil pinagsasabay niya ang pagtatrabaho bilang guro sa isang pribadong paaralan sa Legazpi City at pagrereview, kung saan bilang na lamang ang mga araw na siya ay nago-on-site review.

Malaking tulong umano sa kanya ang pagpapahintulot sa sarili na magpahinga sa gitna ng pressure, dahil baka dumating aniya ang panahon na bumigay ang katawan.

Aniya, isa rin siya sa mga mag-aaral noon na nagsumikap kahit nasa online classes noong panahon ng pandemya na nagdala rin ng pressure sa kaniya kung ang mga kaaalamang naa-absorb ay tama.

Bagama’t hindi tubong Albay, ang Legazpi City ang halos naging tahanan ni Barbacena sa lahat ng kanyang pagsisikap sa pag-aaral, hanggang sa kanyang pagtatrabaho at pagkapasa sa LET.

Samantala, first time taker siya sa nasabing pagsusulit at pamilya ang kanyang naging inspirasyon upang magsumikap.

Labis ang kanyang pagpapasalamat, lalo na sa kanyang ina na mag-isang itinaguyod ang pagpapaaral sa kanya bilang single mom.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *