Isang himpilan ng pulisya sa Albay pinuri ni PNP Chief Eleazar sa kanyang surprise inspection

BNFM BICOL—Nasa ikalawang araw na ngayon ng kanyang 2-day Command visit si PNP Chief Guillermo Eleazar sa Police Regional Office 5 sa Camp General Simeon Ola sa lungsod ng Legazpi.

Maliban sa mga aktibidad na kanyang dinaluhan kahapon ay nagsagawa rin ang opisyal ng surprise inspection sa Daraga Municipal Police station kung saan natuwa ito sa kanyang naabutan.

Pinuri nito ang nasabing himpilan dahil sa kalinisan at kaayusan kung saan tiningnan nito bawat opisina at silid sa loob ng himpilan hanggang sa comfort room at stock room.

Pabirong sabi nito sa mga personahe ng himpilan, mukha umanong alam ng mga ito na darating siya. Pero ayon sa opisyal, hindi naman kayang gawin ng mabilisan ang paglilinis kung kaya naniniwala ito na dati nang ipinatutupad ang ganoong sistema sa Daraga MPS.

Anya, nawa lahat ng police stations ay ganito rin ang maging kasanayan.

Mababatid na kasama sa mga adhikain ni Eleazar ay ang Intensified Cleanliness Program (ICP) na dapat ipatupad sa buong bansa.

Mayroon itong tatlong uri kabilang ang Cleanliness in the offices, cleanliness in the ranks at cleanliness in the community.

Mensahe nito sa kapulisan, magtulungan ang lahat at walang puwang ang mga tiwali at abusadong pulis sa organisasyon.

Binigyan diin din nito na nais nyang baguhin ang sistema sa recruitment ng PNP at nais nitong alisin ang palakasan o padrino system.

Mababatid na simula kahapon, sunod-sunod ang mga naging aktibidad ng opisyal kabilang ang pagdalo sa ceremonial groundbreaking ng itatayong Regional Crime Laboratory Office Building, pagdalo sa sesyon ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), pagbibigay pagkilala sa mga natatanging PNP personnel, pangunguna sa oath taking ng mga opisyal ng iba’t-ibang advocacy support groups at force multipliers ngayong araw at iba pa.#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *