Kambal sa California, ipinanganak sa loob ng 15 minutong pagitan at magkaibang taon

California U.S.A— Napapa “wow” ngayon ang mga netizens sa viral na kwento ng isang fraternal twins sa California matapos ang mga itong isilang nang may 15 minutong pagitan sa mismong gabi ng pagsalubong ng Bagong Taon.

Batay sa ulat ng international media, ang sanggol na si Alfredo Trujillo ay unang ipinanganak ng kanilang ina alas 11:45 ng gabi nitong December 31, 2021.

Matapos ito, lumipas muna ang 15 minuto bago isinilang ang kanya namang kambal na babae na si Aylin Trujillo, alas 12:00 ng hatinggabi sa mismong araw ng Bagong Taon, January 1, 2022.

Ayon sa pamunuan ng Natividad Medical Center, napakabihirang mangyari ng ganitong insidente kung saan isinilang sa magkaibang petsa at taon ang kambal na sanggol.

Itinuturing umanong  ‘1 in two million’ chances ang pagkakataong mangyari ang naturang insidente.

Mismong ang ina rin ng mga ito na si Fatima Madrigal ay hindi makapaniwalang isisilang niya ang kanyang kambal na anak sa ganoong sitwasyon at sa mismong gabi pa kung saan malapit nang magpalit ang taon.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *