Kampanya kontra traffic violators, paiigtingin ng lokal na pamahalaan ng Juban; naitatalang vehicular accident, kinasasangkutan ng motorsiklo

SORSOGON CITY – Paiigtingin pa ng Lokal na Pamahalaan ng Juban ang kampanya nito laban sa mga traffic violators, kasunod ng mas tumaas pa na bilang ng mga naitatalang vehicular accident sa bayan batay na rin sa datos na inilabas ng Probinsya ng Sorsogon.

Sa pahayag ni Juban MDRRMO head Arvee Lodronio, sinabi nito na sa ipinatawag na pulong ng LGU kasama ang mga Punong Barangay ng 25 barangay sa bayan ay tinalakay ang nasabing paksa kung saan huhulihin at titiketan na batay na rin sa Republic Act No. 10054 o Mandatory Use of Motorcycle Helmets at Repubic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act ang mga motoristang walang helmet at lisensya.

Kaugnay nito, ipatutupad umano ng Public Safety Office at Juban Municipal Police Station ang maximum visibility.

Pinaalalahanan din umano ang nasabing mga Kapitan na gabayan ng mga ito ang kanilang mga residente lalo na ang mga nag-aangkas ng bata sa motorsiklo partikular na ang mga edad 7 taong gulang pababa sa dahilang lubha umano itong mapanganib hindi lang para sa batang angkas kundi maging sa drayber na rin.

Binigyang diin din na ang pag-angkas ng bata sa motor ay pinagbabawal ng batas.

Kinumpirma ni Lodronio na batay sa kanilang record mula taong 2017 hanggang taong 2022, 88% ng kanilang naitalang mga vehicular accident ay mga motorsiklo ang sangkot.

Aniya, 46% mula sa nasabing datos ay mga walang suot na helmet at mga hindi sumusunod sa polisiya ng paggamit ng helmet bilang proteksyon, 17% naman dito ang mga naaksidente dahil sa mga stray dogs o asong gala habang 14% lamang ang dahil sa lasing o nakainom ang driver ng alak.

Iinihayag din ng opisyal na posibleng dahilan kung bakit maraming naaaksidente sa kanilang bayan ay dahil halos karamihan ng kanilang mga kalsada ay sakop ng national highway na halos umabot sa 30 kilometro ang haba.

Sa katunayan, ang mga vehicular accident ay mas madalas na nangyayari sa mga barangay na nasa national highway kabilang na rito ang mga Barangay ng Aroroy na base sa kanilang statistics ay nakapagtala ng 11.9% ng mga aksidente, Barangay Cogon  na may 11.8% at Barangay Tughan sa 11.6%.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *