Kaso ng Dengue sa Camarines Norte patuloy na tumataas

CAMARINES NORTE- Patuloy ang naitatalang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa impormasyon mula ay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco umaabot na sa 123 ang mga naitatalang kaso simula Enero hanggang sa kasalukuyan.

Pinakamarami ang naitalang kaso ng Dengue noong Mayo na mayroong 41 at nito lang buwan ay nasa 34 ang naitala.

Nadagdagan pa ito ng panibagong anim na kaso kaya ngayong buwan lang ay mayroon na ring 41 kaso tulad din noong Mayo.

Sa ngayon ay hindi pa nakakapagpalabas ng kumpletong datos ang Provincial Health Office hinggil ditto.

Matatandaan naman na ang Department of Health ay una nang nagpalabas ng abiso noong nakaraang lingo dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng mga kaso ng mosquito borne diseases partikular ang dengue.

Ang dengue fever ay isang impeksiyon na sanhi ng virus na dinadala ng mga lamok na Aedis Aegypti.

Kabilang sa sintomas nito ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal sa balat.

Maaari itong magdulot ng kamatayan lalo na kapag hindi naagapan.

Ang bawat indibidwal ay hinihikayat na sundin ang 4S strategy kontra Dengue at ito ay suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na pagamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang linggo upang maiwasan ang outbreak.

Ugaliin din na sundin ang 4 o’clock habit, para suyurin at sirain ang posibleng tirahan ng lamok sa bahay, opisina o eskwelahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *