Kaso ng diarrhea sa Castilla, Sorsogon patuloy sa pagtaas

SORSOGON CITY—Patuloy ang pagtaas ng kaso ng sakit na Diarrhea sa bayan ng Castilla, Sorsogon.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) ay umaabot na sa 146 na kaso ang naitatala sa kasalukuyan.

Halos karamihan na rin sa mga barangay sa nasabing bayan ay nagkaroon na ng kaso ng nasabing sakit.

Kaugnay nito, muling nagpatawag ng agarang pulong si Mayor Isagani Bong Mendoza kasama sina Sorsogon Provincial DOH Office Development Management Officer V Dr. Gladys Escote, DMO IV Gina Bongon, Municipal Health Officer Dr. Mel Boque, Sanitary Inspectors, Municipal Nutrition Action Coordinator at Municipal Administrator.

Tinalakay sa nasabing pulong ang iba’t ibang mga aksyon na gagawin upang tugunan ang lumulobong kaso ng nasabing sakit kabilang na ang pagpapaigting ng information dissemination campaign upang mas maintindihan ng mga residente kung paano ito maiiwasan at malulunasan.

Pinag-usapan din ang pagsasagawa ng chlorination at sampling sa mga barangay na may pinakamataas na kaso ng sakit.

Samantala, kasabay ng nasabing pulong ay nagbigay din ang DOH Sorsogon ng ilang mga gamot na maaaring maging paunang lunas sa mga nagkakasakit.

Humingi na rin ng tulong ang alkalde sa provincial government para sa karagdagang mga doktor gayundin mailibre ang pagsasagawa ng mga testing na kinakailangan.

Samantala, magsasalang din ang Sangguniang bayan ng resolusyon na makatutulong sa paglutas ng kasalukuyang problema.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *