Konkretong plano sa WPS issue, hahanapin mula sa mga posibleng presidential bets

Naniniwala ang ilang mambabatas na dapat ay mas higit pa sa general statements ang maibibigay na sagot ng mga potential presidential candidates kaugnay sa isyu na kinahaharap ngayon ng bansa sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon na kailangan ay magkaroon ng detalyadong plan of action ang mga kakandidato sa eleksyon.

Iginiit ni Biazon na higit pa sa six-year term ng isang administrasyon ang mararanasan na epekto ng bansa  mula sa mga desisyon na kanilang gagawin.

Ayon kay Biazon, senior vice chairperson ng House Committee on National Defense and Security, na walang magagawa ang motherhood statements lalo na at nakasalalay rito ang kapalaran ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Inihayag ito ng kongresista sa gitna ng inaasahan sanang debate sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Gayunman, umatras ang Pangulo mula sa debate na siya mismo ang naghamon.

Matatandaan noong 2016 ay nangako ang Pangulo na sasakay ito ng jet ski papuntang Scarborough Shoal, na okupado ngayon ng China, para itanim ang bandila ng Pilipinas.

Pero makalipas lamang ang ilang taon ay nilinaw niya na biro lamang ang kanyang sinabi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *