Lalaki, sinaksak ng kainuman sa Lipa City, Batangas

Pinaghahahanap na ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaking nanaksak ng kanyang kainuman sa Purok 1, Brgy. Mabini, Lipa City, Batangas.

Nakilala ng Lipa City Police Station ang suspek na si Arnold Dela Cruz Hidalgo, 45- anyos, residente ng Purok 1, Brgy.Mabini ng nasabing lungsod.

Kinilala naman ang biktima na si Bernie Candor Dalisay, 47-anyos, residente din ng nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon, bandang ala-1:30 ng hapon noong Marso 22, 2023, habang nag-iinuman ang suspek at biktima sa labas ng bahay ng suspek ay nagkaroon ang mga ito ng hindi pagkakaintindihan.

Ang isyu umano sa isang boarder ng biktima ang naging dahilan ng kanilang hindi pagkakaintindihan.

Doon na kumuha ng kutsilyo ang suspek sa loob ng kanyang bahay at sinaksak ang biktima.

Nagtamo ng sugat sa noo at kaliwang bahagi ng leeg ang biktima.

Agad din namang dinala sa pinakamalapit na ospital ang biktima para malapatan ng paunang lunas.

Sa ngayon ay pinaghahahanap na ng mga awtoridad ang suspek na tumakbo sa hindi malamang direksyon.

Hinahanda na ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *