LGU dapat umanong magpasa ng ordinansa kaugnay sa ipinapatupad na restriction sa mga hindi bakunado

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kailangan ang ordinansa upang maging epektibo ang pagpapatupad ng paglimita sa galaw ng mga hindi bakunado kontra COVID- 19.

Sa text message sa Brigada News FM Daet inihayag ni DILG Provincial Director Ray Caceres na ang ordinansa ang magiging batayan sa pagpapataw ng penalidad sa mga violators.

Gayunman, hindi muna nagbigay ng anupamang pahayag ang opisyal dahil hihingin pa umano nito ang karagdagang paglilinaw mula sa Regional Office.

Simula kahapon, Enero 16 ay epektibo na ang Executive Order ni Gobernador Edgardo Tallado hinggil sa mga bagong panuntunan sa lalawigan ng Camarines Norte sa gitna ng laban kontra COVID- 19.

Sa ilalim ng naturang EO, ipinagbabawal ang paglabas ng bahay ng hindi bakunado at mga batang edad 11 pababa maliban kung ang sadya ay serbisyong medikal at pangkalusugan.

Mga bakunado lamang din ang papayagang pasahero sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan, kasama ang traysikel.

Inoobliga ang mga pampublikong sasakyan na hingan ng antigen test result ang mga pasaherong hindi bakunado.

Ang mga establisyemento, mga tanggapan at ahensya ng gobyerno ay inobliga rin na gawing requirements ang vaccination card (2 doses) sa lahat ng kanilang kostumer/kliyente at magfill up sa health declaration form bago makapasok.

Leave a Reply

Your email address will not be published.