Lingkod bayanihan program ng PRO 2, nagpapatuloy; 3 pamilya sa Nueva Vizcaya, nakatanggap ng libreng pabahay

Tatlong pamilya mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ang mapalad na benepisaryo ng Lingkod Bayanihan ng Police Regional Office No. 2.

Ang nabanggit na bilang ng pamilya ay nakatanggap ng libreng pahay sa ilalim ng naturang programa na may temang “Pabahay ng Pulis Alay Sa Iyo” ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office.

Unang benepisaryo na napili ng PNP-Bambang ay ang biyudang si Mrs. Carla Loberano na residente ng Brgy. San Leonardo, Bambang, Nueva Vizcaya kasama ang lima nitong anak.

Ipinagkaloob sa pamilya Loberano ang isang simple at disenteng bahay maliban pa sa food packs at iba pang pangunahing kagamitan para sa kanilang bagong tirahan.

Nakatanggap din ng pabahay si Mrs. Jennifer Damaoan ng Baliling, Sta. Fe, Nueva Vizcaya kasama ang kanyang pamilya at dalawang anak.

Si Mrs. Damaoan ay isang PWD kung saan siya ang nag-aalaga sa  kanyang 7 months old na sanggol at sa 9-anyos na anak na mayroong espesyal na pangangailangan.

Tanging bumubuhay sa kanilang pamilya ay ang kita ng kanyang asawa na si Rosauro Damaoan na isang barbero na nagbabahay-bahay upang maghanap ng magugupitan.

Inimbitahan din siya ng Sta. Fe PNP sa “Libreng Gupit” program ng PNP upang matulungan ang naturang pamilya.

Huling benepisaryo ng programa ay ang pitong magkakapatid mula sa Sitio Daclig, Poblacion, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Ang magkakapatid na Mensi ay ulila na sa kanilang ama’t ina kung kaya’t sila ay nagkahiwa-hiwalay na matitirhan nang sila ay kupkupin ng iba’t-iba nilang kamag-anak.

Tanging ang pangalawa sa magkakapatid na si Dennis na miyembro ng CAFGU ang breadwinner ng pamilya.  

Ang pabahay na handog ng Ambaguio Police Station ang magsisilbing panimula ng magkakapatid na magsama-sama bilang isang buong pamilya.

Sa pagbisita ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ay sabayang isinagawa ang blessing at turn-over ng 34 na pabahay sa ibat ibang lugar sa rehiyon.

Sa ngayon ay nasa 71 na ang kabuuang bilang ng pabahay ang naipagkaloob ng PRO sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *