Local transmission ng Alpha at Beta variants ng COVID-19 sa Bicol kinumpirma ng DOH; mga Bicolano hinimok na patuloy na sundin ang standard health protocol

BICOL—Kinumpirma ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) na may local transmission ng Alpha at Beta variants ng COVID-19 sa rehiyon.

Base sa resulta ng genomic sequencing ng Philippine Genome Center (PGC), nasa kabuuang 11 indibidwal ang nagpsotibo sa Alpha variant habang 22 naman sa Beta variant.

Ang Alpha variant o B.1.1.7 variant ay unang natukoy sa United Kingdom noong September 2020 habang ang Beta variant o B.1.351 ay unang nadetect sa South Africa noong May 2020. Ang mga ito ay kapwa mas nakakahawa at mas mapanganib na mauwi sa pagkakaospital.

Ayon sa DOH, lahat ng lalawigan sa Bicol maliban sa Catanduanes ay nakapagtala ng kaso ng COVID-19 variants. Sa 11 Alpha variants, walo nito ay mula sa Camarines Sur at tig-iisa ang Naga City at lalawigan ng Masbate at Sorsogon.

Sa 22 Beta variants, walo ang mula sa Camarines Sur, lima sa Albay, apat sa Naga City, tatlo sa Legazpi City at tig-isa ang Camarines Norte at Sorsogon.

Abril 14 at 18 nang ipadala sa PGC ang mga specimen at nitong Hulyo 21 nang matanggap ang resulta.

Kasunod nito ay nagsagawa ng validation ang Regional Epidemiological Surveillance Unit (RESU) sa Local ESUs. Sa ngayon ay nakarekober na ang lahat ng mga tinamaan ng COVID-19 variants sa rehiyon.

Ang pagtukoy sa mga variants ng COVID-19 ay pinadaraan sa genomic sequencing at tanging ang Philippine Genome Center lamang sa Metro Manila ang may kakayanang gumawa nito sa bansa kung kaya lahat ng mga suspected samples sa Bicol ay ipinadala sa naturang laboratoryo.

Kaugnay nito ay muling ipinaalala ng DOH Bicol ang kahalagahan ng maigting na

contact tracing ng mga Local Government Unit (LGU) kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng Minimum Public Health Standards (MPHS) sa laban kontra sa anumang variants ng COVID-19.

Kabilang dito ang tamang pagsusuot ng facemask at face shield, pagsunod sa social distancing, paghuhugas ng kamay at kalinisan at pag-iwas sa siksikan at kulob na lugar.### || SLM

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *