Lolo, patay matapos mabangga ng 2 sasakyan sa Guinobatan, Albay

LEGAZPI CITY – Dead on arrival sa ospital ang isang 70 anyos na lolo matapos itong mabangga ng dalawang sasakyan sa Maharlika Highway, Brgy. Travesia, Guinobatan, Albay.

Kinilala ang nasawing biktima na si Alfred Quidep Lagonoy, isang magsasaka at residente ng Sitio Mabalod, Brgy. Tandarora ng nasabing bayan, habang kinilala naman ang driver ng pampasaherong jeepney na si Roman Laureta De Guzman at ang driver ng Isuzu truck na si Charlie Abacco Malaya,.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Guinobatan MPS, lumalabas na ang biktima ay tumatawaid sa pedestrian lane patungo sa kabilang kalsada nang aksidenteng mabangga ito ng jeepney na tumatakbo mula sa nasabing bayan patungong Camalig na naging dahilan upang tumilapon ito sa kabilang linya at aksidente rin na masagasaan ng paparating na nasabing truck.

Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima at isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Ligao City para sa medikal na atensiyon, ngunit idineklarag dead on arrival ng attending physician.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guinobatan MPS ang mga driver at ang kanilang sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published.