Magsasakang kumuha ng panggatong, binaril

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa nangyaring pamamaril sa kagubatang parte ng isang barangay sa Alcala, Cagayan.

Ang biktima ay isang magsasaka na 71-anyos habang ang suspek ay 58-anyos na lalaki na kapwa residente sa naturang bayan.

Una rito, nagtungo ang biktima sa lugar upang kumuha ng panggatong at nagpahinga sa isang kubo kung saan siya nadatnan ng suspek.

Sa hindi pa malamang kadahilanan ay biglang binaril ng suspek ang biktima kung saan natamaan ang kaliwang tagiliran ng biktima.

Nagawa namang makatakas ng biktima gamit ang kaniyang kalabaw at dumiretso sa barangay hall upang manghingi ng tulong.

Pagkatapos nito ay agad isinugod ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang lapatan ng kaukulang lunas habang nagtungo naman ang mga opisyal ng barangay sa bahay ng suspek.

Isang concerned citizen ang nagsuplong sa PNP Alcala hinggil sa naturang insidente at pagdating ng kapulisan sa lugar ay isinuko ng mga opisyal ng barangay ang suspek para sa karampatang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *