Mga empleyado ng private lab sa SPH na hindi nasahuran, lumapit sa Brigada; Provincial Govt at private employer, nagkakaroon na ng koordinasyon

SORSOGON CITY – Personal na nagsadya sa himpilan ng Brigada News FM Sorsogon ang grupo ng mga empleyado ng nagsaradong PDMC Diagnostics Laboratory sa Sorsogon Provincial Hospital upang ipaabot ang kanilang hinaing hinggil sa hindi pa naibibigay na sahod.

Ayon kay Ryan Laureta, hinahabol nila ang kanilang dalawang buwang sahod matapos magsara ang PDMC noong May 15, ngayong taon.

Mahigit 60 mga empleyado sila na itinalaga sa nasabing laboratoryo noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic noong April 2021 bagamat hindi naman umano nakatutok lang sa Covid ang kanilang naging trabaho.

Hindi umano nila alam kung makukuha pa nila ang sahod lalo pa at nawalan na sila ng contact sa mga pinuno ng PDMC. Nagresign na rin umano ang kanilang manager na nakakausap.

Pinanghahawakan sana umano nila ang pangako ng kanilang employer bago nagsara ang pasilidad na ibibigay pa rin ang kanilang natitirang dalawang buwang sahod subalit hanggang sa ngayon ay nananatili itong pangako.

Kaugnay nito, hiling ng grupo na sana ay matulungan sila ng mga kinauukulan partikular na ng Provincial Government lalo pa at ang laboratoryo ng PDMC ay sa loob naman ng Sorsogon Provincial Hospital nag-operate.

Sa kabilang dako, agad namang tumugon ang pamahalaang panlalawigan kung saan ipinaliwanag ng tagapagsalita nitong si Dong Mendoza na handa ang probinsya na agad na bayaran ang kulang sa PDMC sa oras na makumpleto nito ang mga dokumentong kinakailangan.

Posible kasi anyang nakaapekto ang hindi pa nakokolektang bayad ng PDMC mula sa pamahalaang panlalawigan kung kaya hindi pa nababayaran ang mga empleyadong kinuha nito, pero kailangan din umanong masiguro na tama ang proseso ng paglalabas ng pondo ng lokal na pamahalaan dahil sila rin ang mananagot.

Tiniyak naman umano ni Gov. Boboy Hamor na agad nilang irerelease ang pondo na pambayad sa naging serbisyo ng PDMC kapag naisaayos na nito ang mga hinihinging dokumento. Nasa kamay ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang pagpressure sa nasabing private company.

Samantala, kinumpirma mismo ni Laureta na matapos na maipresenta ang isyu sa prorama ng Brigada News FM Sorsogon ay agad na nakipag-ugnayan ang kanilang employer sa kanilang area manager para makausap si Mendoza kaugnay sa isyu.

Inaantabayanan ngayon ng Brigada News ang magiging resolusyon sa nasabing reklamo.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *