Mga kakandidato sa December 2022, Barangay and SK elections pinaghahanda pa rin ng Comelec

CAMARINES NORTE- Pinayuhan ng Commission on Elections ang mga may planong kumandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections sa Disyembre na maghanda sa kabila ng napipintong pagpapaliban nito.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Election Officer III Annelyn Abanes, miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau sa probinsiya sinabi nito na habang wala pang batas na nagpapaliban sa eleksyon ay tuloy tuloy ang kanilang gagawing paghahanda.

Kaya naman ang mga may planong kumandidato ay dapat umanong ihanda ang sarili lalo na ang mga kakailanganing dokumento sa paghahain ng certificate of candidacy (COC).

Batay sa calendar of activities ng Comelec nakatakda ang filing period ng COC mula October 6 hanggang 13.

Ang election period para sa  Dec. 5 elections ay magsisimula sa  Oct. 6 hanggang Dec. 12, 2022 at ang campaign period ay mula Nov. 25 hanggang Dec. 3, 2022.

Nais din ng Comelec na kung hindi matutuloy ang eleksyon sa Disyembre  nitong taon ay gawin daw sana ito sa 2023 at huwag nang umabot sa 2024 upang hindi naman maapektuhan ang kanilang paghahanda sa 2025 mid term elections.

Samantala, nagpaalala rin ang Comelec sa mga botante na huwag naman hingan ng sobra- sobra ang mga kandidato.

Aniya ang pagkakandidato ay tungkol sa pagseserbisyo at hindi sa akung anuman.

Kapag gumastos daw ng malaki ang kandidato ay tiyak umanong babawiin ito pag nakaupo na sa pwesto at hindi na makakareklamo ang mga botante dahil bayad na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *