Mga kumukuha ng Postal ID posibleng mabawasan hanggang sa mawala na sa mga susunod na araw dahil sa National ID System

CAMARINES NORTE- Aminado ang Philippine Postal Corporation o PhilPost na posibleng mabawasan o baka wala nang kumuha ng Postal ID sa mga susunod na araw kapag mayroon nang National ID ang karamihan ng mga Pilipino.

Sa panayam ng Brigada News FM inihayag ni Postmaster IV Henry Ubana ng Philpost Daet na inaasahan na nilang ganito ang mangyayari sa mga susunod na araw.

Ang National ID daw kasi ayon sa batas ang magiging pinaka- source ng information nang pagkakakilanlan ng isang tao.

“Siguro po ganun, ganun na siguro ang mangyayari kasi ang National ID ay talagang kumbaga,  yan na yung pinag design talaga ng ating mga mambabatas na  yan ay parang, yan na ang pinaka- source nila ng information sa ating pagkakakilanlan,” ani Ubana.

Pero sa ngayon sinabi ni Ubana na marami pa rin naman ang kumukuha ng Postal ID dahil sa napakaraming gamit nito.

Wala rin naman daw naging pagbabago sa proseso ng pagkuha ng postal ID kung saan kailangang magpakita ng PSA- certified birth certificate, Barangay Clearance at ang babayaran ay P504. 00 pa din.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Ubana ang mga patuloy na naghihintay ng kanilang National ID.

Ang Philpost ang itinalagang maging official courier ng PSA para sa delivery ng mga ID.

Kung mag i- inquire umano sa kanilang opisina ukol dito ay dapat dalhin ang transaction slip para makita kung natanggap na ito ng Daet post office.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *