MHO- Basud tutol sa kaniya- kaniyang pagbili ng testing kits para sa COVID- 19

CAMARINES NORTE- Pinatatanggal ng Municipal Health Office (MHO) ang isang probisyon sa isinusulong na ordinansa sa bayan ng Basud, Camarines Norte hinggil sa pagpapataw ng bayarin sa Antigen test.

Sa ilalim ng ordinansa maniningil ng mas mababang halaga para sa Antigen test na aabot lang sa P300 ang naturang bayan para sa mga constituents nito.

Kung ang kliyente naman ay may dalang testing devices at kits ay magbabayad lang ito ng P50 para sa laboratory service fee.

Pero sa isinagawang public hearing kahapon para sa proposed “Fee for Antigen Test”, ipinunto ng kinatawan ng MHO na hindi uubra ang probisyong magpapahintulot sa mga kliyente na magdala ng sariling testing devices at kits.

Mayroon  daw kasing ipinalabas na listahan ang Department of Health (DOH) ng mga aprubadong testing kits.

Hindi umano maganda na ang pasyente ang bibili sa labas dahil importante ang kalidad nito.

Kaya mas mainam umano na ang MHO na lang din ang mag provide ng testing kits dahil ito rin naman ang magsasagawa ng testing.

Mababa rin umanong masyado ang P50 na service fee dahil sa Personal Protective Equipment (PPE’s) pa lang ay kulang na ito.

Nakapaloob din sa naturang ordinansa  na bibigyan ng 20% discount ang senior citizens, persons with disability at estudyante.

Gagawin ang pagbabayad sa Municipal Treasurer’s Office o sa Municipal Health Office

Ang nakolekta o maiipong bayad  ay mapupunta sa Trust Fund na gagamitin lang para sa pagbili ng Rapid Antigen Testing kits.

Sa sandaling ideklara ng mga kinauukulan na tapos na ang pandemya ang naipong pondo ay ililipat sa General fund.

Exempted sa pagbabayarin ng Rapid Antigen Test ang lahat ng government employees partikular ang mga nagtatrabaho sa Lokal na Pamahalaan ng Basud na ire- require na sumailalim sa naturang test para sa may Official Business sa labas ng bayan o probinsiya.

Kasama rin sa exemption ang mga aktibidad na may kinalaman sa LGU at para sa COVID- 19 case management purposes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *