Ordinansa para maging localized ang implementasyon ng Children’s Safety on Motorcycle Act inihain sa Sangguniang Bayan ng Basud

CAMARINES NORTE – Inihain sa Sangguniang Bayan ng Basud, Camarines Norte ang panukalang ordinansa para maging “localized” ang implementasyon ng Republic Act 10666 o mas kilala bilang Children’s Safety on Motorcycle Act of 2015.

Sa ilalim ng naturang batas  ay bawal ang pag-angkas ng bata sa mga motorsiklo na daraan sa mga pampublikong kalsada na maraming dumaraang sasakyan gayundin sa mga kalsada na bawal tumakbo ng mas mabagal sa 60 kilometro bawat oras.

Hindi rin pwedeng isakay sa motorsiklo ang mga bata kung hindi pa makakaabot sa foot peg o foot rest ang paa nito.

Kailangan ding kaya na nitong  umakap sa driver at nakasuot ng angkop na helmet alinsunod sa naman Motorcycle Helmet Act.

Batay sa explanatory note ng proposed ordinance, dahil sa pagtaas ng bilang ng motorsiklo ay tumaas din ang bilang ng mga naaksidente dahil dito.

Dapat umanong kumilos ang Lokal na Pamahalaan para maiwasan ang pagkamatay dahil sa motorcycle injuries lalo na sa mga bata.

Batay sa section 5 ng panukalang ordinansa multang mula isa hanggang dalawang libong piso ang ipapataw sa sinumang lalabag.

Kung ang violator ay lumabag ng higit pa sa tatlong beses ay irerekomenda na ang revocation ng driver’s license nito.

Mas mataas naman ang multa na itinatadhana ng RA 10666 na mula tatlo hanggag sampung libong piso at suspendido rin ang lisensya ng driver ng isang buwaqn sa ikatlong paglabag liban pa sa multa.

Kakanselahin naman ang lisensya ng driver sa ika-apat na paglabag at hindi na ito muling makapagmaneho ng kahit anong sasakyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *