Special satellite register anywhere program ng Comelec kasado na sa weekend

CAMARINES NORTE – Kasado na ang isa pang round ng mall voter registration ng Commission on Elections sa Camarines Norte na gaganapin ngayong darating na Pebrero 23 hanggang 24 ng taong kasalukuyan sa SM City Daet.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Francis Nieves, tinawag nila itong Special satellite register anywhere program (RAP) kung saan ang Office of the Election Officers sa labingdalawang bayan ay nasa iisang venue.

Kaugnay nito, hinimok ni Nieves ang mga hindi pa nakakapagparehistro lalo na ang mga taga malayong lugar na samantalahin ang special RAP .

Nangangahulugan ito na ang isang taga malayong lugar na nandito na sa Daet at walang pagkakataong umuwi sa kanilang bayan lalo na ang mga malalayo tulad ng Sta Elena ay Capalonga ay maaari nang magparehistro.

Maliban naman sa special RAP na ito ay mayroon ding ini- schedule na satellite registration ang mga opisina ng Comelec sa iba’t ibang bayan sa mga barangay.

Ang voter registration bilang paghahanda sa May 2025 national and local elections ay hanggang sa September 30 ng taong kasalukuyan, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang holidays maliban na lang kung ideneklara ng Comelec na walang registration.

Wala namang voter registration sa Marso 28, 29 at 30 bilang pag obserba sa Semana Santa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *