P1.5-M NA HALAGA NG ILIGAL NA DROGA, NASABAT SA ISANG HIGH VALUE INDIVIDUAL SA TUGUEGARAO CITY

Nasabat sa isang high value individual ang nasa 1.5 milyon pesos na halaga ng mga iligal na droga sa isinagawang anti-illegal drug buy bust operation ng Tuguegarao City Police Station at Provincial Drug Enforcement Unit sa Barangay Buntun.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Cagayan Police Provincial Office, kinilala ang naaresto na si alyas Jerold, 37-anyos at residente ng Pallua, Tuguegarao City, Cagayan.

Positibo umanong nabili ng operatibang nagpanggap na poseur buyer mula kay Jerold ang dalawang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.

Nakumpiska mula sa direktang pag-iingat nito ang isang eco bag na naglalalaman ng 4 na bricks ng marijuana na may bigat na 600 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P1,500,000.00.

Bukod dito, nasamsaman rin ang naaresto ng 0.02 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,500.00, cellphone at marked money.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PNP Tuguegarao si alyas Jerold na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *