Pagdiskwalipika kay Legazpi City Mayor Rosal bilang alkalde ng lunsod, pinal na ayon sa COMELEC en banc

LEGAZPI CITY – Naglabas na ng desisyon ang COMELEC en banc hinggil sa disqualification case na isinampa laban kay Legazpi City Mayor Geraldine Rosal na inihain ni Joseph San Juan Armogila.

Lumalabas sa desisyon na dinidiskwalipika ang alkalde dahil sa kanyang paglabag sa Sec. 68 ng Omnibus Election Code, kung saan ito ay namigay umano ng pera sa kasagsagan ng kampanya sa eleksyon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay COMELEC National Spokesperson, John Rex Laudianco, sinabi nito na pinal na ang desisyon sa pagdidiskwalipika sa kanya, subalit kung hindi umano maglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema kay Rosal pagkatapos ng limang araw, ibababa na ang writ of execution at tuluyan nang papalit sa puwesto si AKB Party-list Rep. Cong. Alfredo Garbin, Jr.

Opinyon ng karamihan, halos magkapareho lang naman umano ang kaso ng alkalde at ng asawa nitong si dating Albay Gov. Noel Rosal, ngunit sa kaso ng dating gobernador, ipinatupad ang law of succession, kung saan ang bise gobernador nito ang siyang pumalit sa kanya sa puwesto.

Tanong nila, bakit sa kaso ng alkalde ay si Garbin ang papalit sa kanya sa puwesto at hindi nagpatupad ng law of succession, subalit ang sagot naman ni Laudianco batay sa desisyon ng korte tinitignan kung sino ang 2nd placer o ang sumunod na nakakuha ng maraming boto sa eleksyon ang siyang papalit.

Matatandaan din umano, si Garbin ay kamakailan ding nagfile ng motion to intervene.

Samantala, tiniyak ni Laudianco na umuusad ang legal na proseso at ang bawat isa ay nakapailalim sa mga pamaraan, kung kaya’t kinakailangang maging mahinahon ang publiko.

Sakali man umanong manumpa na si Garbin bilang bagong uupong alkalde sa lunsod, mayroon pa rin namang pagkakataon si Rosal upang umakyat sa korte sa loob ng 30 araw matapos sa deklarasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *